The Hero’s Arousal

The Bite
Nagkaroon ako ng weird experience nitong weekend. Habang nanonood ako ng Eat Bulaga at sinusubaybayan ang Bebot, nilalaro ko ang aquarium namin, nandun kasi yung paborito kong Janitor Fish na si Pokky. Maya-maya, naramdaman kong parang may kumurot sa mala-porselana kong hintuturo. Sa gulat ko naihagis ko tuloy ang alaga at minamahal kong si Pokky sa alaga naming pusa at kinain niya ito. Nalungkot ako sa mga pangyayari, bagamat may dugo sa aking hintuturo, nagawa ko pa ring tapusin ang Eat Bulaga at nanood pa ng Startalk.

Swelling
Nung medyo lumalim na ang hapon, napansin kong namaga ang aking hintuturo at napapadalas ang aking pagbahing. Parang pumuputok ang mga battery sa Corregidor ang aking pagbahing. Nababasag na nga ang mga salamin sa kakabahing ko. Nung kinagabihan, nasusunog na ang aking kama sa init ng aking lagnat. Halos maabo na ang aming kwarto. Naging mahimbing pa naman ang aking pagtulog at nagkaroon pa nga ng nocturnal emission.


The Symptoms
Pagkabangon ko mula sa aking kama, nakaramdam na ako ng kakaibang sigla at lakas na wala ako dati. Buong araw ng Linggo, nadiscover ko ang iba ko pang bagong talento:

Nagkaroon ng pouted lips. Hindi ko na kailangang bumisita kina Calayan o kaya kay Belo, kasi nagkaroon na ako ng nguso. Daig pa ang mga labi ni Angelina Jolie, mas malaki at mas malapad pa.

Dumidikit ako sa pader. Yap, dumidikit na nga rin ako sa mga pader katulad ni Spiderman. Hindi nga lang ang mga kamay ko ang ginagamit ko, kundi ang aking nguso.

Kumapal at kumunat na ang aking mga balat. Naramdaman ko na ako ay mas gwapo at ubod ng taas ng sex appeal. Hindi na rin ako gumagastos ngayon. Lagi na akong nagpapalibre ngayon.

Adiksyon sa mga lumot at iba pang dumi. Kapag nakakakita ako ng mga lumot at dumi parang gusto kong higupin at supsupin. Pati nga yung mga dumi sa mukha, yung mga tigidigs, gusto ko na ring supsupin.

Kapag nababasa nagkakaroon ng kaliskis at mga palikpik. Bumili na nga ako nung pangkaliskis yung katulad nung mga nasa palengke at yun na ang ginagamit kong panghilod. Yung mga palikpik ko binebenta ko na rin sa mga intsik, pwedeng pagkakitaan at isama sa mga lutuin.

The Theory
Hindi ko alam kung paano ako nagkaroon ng ganitong potensyal. Siguro yung pagkakagat sa akin ni Pokky. Naging radioactive Janitor Fish siguro si Pokky dahil sa radiation ng mga cellphones saka ng TV. Minsan kasi naglalaro kami ng taguan, eh kadalasan siyang nagtatago sa Microwave. Sayang nga lang at kailangan pa niyang pumanaw upang ikaloob lang sa akin ang kakaibang potensyal na ito sa akin. Rest In Peace sa loob ng bituka ni Muning, Pokky. Nawa’y matahimik ka na dyan. Titirikan ko na lang ng kandila si Muning para sa iyo Pokky.

Dilemma Arises
Jusko, binigyan tuloy ako ng bagong problema ngayon. Tutulong na rin ako sa pagsagip sa mga nangangailangan. Ano ngayon ang pangalan ko sa aking alter-ego? Ano kaya ang costume ko? Hindi pa naman ako marunong magtahi. Anong kulay kaya nito? Pwede kayang ipang-model ang costume ko?