Hinanakit ng Damdamin

Pasensya na. Masama lang talaga ang loob ko. Hindi ko mapigilang ilabas lahat ng mga hinanakit ko. Matinding paghihirap ang dinadanas ko ngayon simula ng gawin mo sa akin. Sana ay maunuwaan mo ang lahat ng pasakit na ito. Hindi ko nais saktan ang iyong damdamin sa gagawin kong ito, pero labis-labis na talaga itong ginagawa mo sa akin.

Pagod na ako. Alam mo bang napakasakit nitong pinaparanas mo sa akin? Nahihirapan na ako. Ilang beses mo na sa aking ginagawa ito. Labis na sakit ang paghihirap na dinadanas ko ngayon. Hindi ko na mapigilan ang aking sarili dahil sa ginagawa mong ito. Paulit-ulit na lang. Ano pa bang problema? Akala ko ayos na ang lahat, pero bakit ganito, heto ka na naman. Ano bang ginawa ko para ako’y labis mong pahirapan. Sinusunod ko naman lahat ng alituntunin mo, pero bakit kapag ako hindi mo mapagbigyan. You’re becoming unfair. Hindi ko na kaya itong ginagawa mo sa akin. Labis na parusa ito. Kung may problema ka, bakit hindi mo na lang sabihin sa akin ng maayos na ito. Pinipilit ko namang gawin ang lahat para maayos na ito kaso talagang ayaw mo akong bigyan ng pagkakataon.

Masakit. Sobrang sakit. Isang parusa ito na talagang hindi ko kayang lagpasan. Kung alam mo lang sana ang pakiramdam nitong parusang pasan ko ngayon. Huwag ka namang maging manhid. Hindi ito madali. Alam mo sana yun. Dumudugo itong damdamin ko, hindi ko alam kung kaya mong gamutin itong iniwang sakit sa aking loob. Bakit ngayong kailangan na kailangan kita hindi mo pa ako matulungan? Ang mga luha ko ngayon ay gumugulong pababa sa aking mga pisngi sa paghihirap kong ito. Hindi na ako mapakali at makapag-isip ng maayos. Sa isip ko, ikaw lagi ang nandito, binubulabog ang aking kamulatan. Hindi ko na kaya, susuko na ako.

Sana lang maunawaan mo ang paglalabas ko ng sama ng loob ko sa iyo. Napakahirap na talaga at di ko na kayang itolerate at tiisin ang ginagawa mo. Ilang beses na kasi, at paulit-ulit na lang. Kailan ka pa ba aayos? Kailan ka pa titino? Hindi lang ako ang nahihirapan sa ginagawa mo. Marami na rin ang apektado. Sana alam mo yun. Kaso ayaw mo talagang bigyan ng pansin ang pangangailangan namin. Hindi madali itong pagsabi ko ng sama ng loob sa’yo, kahit ako nahihirapan din. Sana lang malawak ang iyong pang-unawa.

Bakit ba kasi lagi ka na lang out of order? Parati ka na lang sira. Hindi na kita maunawaan. Ilang beses na ito. Ano yan? Tuwing matatae na lang ako maghahanap pa ako ng ibang CR. Alam mo namang ikaw na lang ang malapit sa amin, tapos magloloko ka pa. Kailangan ko pa man ding tumae ngayon. Ikaw na nga lang ang masasabi naming maayos na inidoro sa CR na ito tapos heto sira ka pa. Taeng-tae na ako ngayon, ang layo pa man din ng isang men’s room dito, sa second floor pa. Ayokong matae sa salawal ko.