String Attached Government

End of the world na talaga, nakikita ko na ang mga signos ng katapusan ng mundo, kung hindi man sa Pilipinas lang. Paano ba naman, una kumandidato itong si Pacman para sa local government, tapos heto, mga taartits na ang mga kumakandidato para sa senado. Nandun na nga si Lito Lapid sinundan pa nina Goma, at heto si Buboy pa. Ano na ba nangyayari sa kanila? Sinasapian na yata. Kaninong espiritu naman kaya ang pumasok sa kanila, nakahithit yata ng asukal at nakainom yata ng chlorox ang mga ito.

Pero ano ba itong nababalitaan ko, may bagong partido na naman ang binubuo pantapat sa mga ito. Hindi sila administrasyon at hindi rin oposisyon, hindi rin nuisance. At kapag oras na lumabas na sila tiyak na mabubulabog ang ating gobyerno at ng mga kandidato. Malamang mahibang na rin ang mga botante at maghanap ng mataas na bangin at tumalon na silang lahat. Ano ang mangyayari sa bansa natin kung sila na ang kakandidato?

Tatakbo na raw ang mga puppets at mascots sa ating gobyerno. Napag-alaman kong nagfile for candidacy na ang mga puppets na ito, dahil ayon sa kanila, magkakaroon na lang din ng mga puppet na artista sa gobyerno bakit hindi na lang daw silang mga tunay na puppets ang tumakbo baka may magawa pa raw sila sa ikakaunlad ng ating bayan. Palaban talaga ang mga nilalang na ito at kahit great of wall of China ay kaya nilang gibain at magagawa pa nilang butasin ang earth para makapunta sa earth’s core sa kanilang paninindigan.

Ayon sa aking trusted factual reliable source, ang mga kumpirmadong nakapagpasa na raw ng candidacy ay sina Jollibee, Champ, Pong Pagong, Kiko Matsing, Manang Bola, Koko Kwik-kwak, ang mag-ateng sina Ningning at Gingging, Pining ng PBB at PDA sa Studio 23, at sina Susie at Geno. Humahabol pa nga ang Boyoyong Clowns. Hindi pa raw kumpleto ang partido at may mga madadagdag pa hangga’t hindi pa natatapos ang filing of candidacy. Ang kanilang campaign manager ay si Kuya Bodjie at ayon din sa aking nalaman, popondohan sila ni Ms. Piggy ng Muppets sa US.


Napag-alaman ko ring disqualified si Ronald McDonald sapagkat wala siyang dugong Filipino. Kaya ngayon ay nasa harap siya ng Comelec kasama nila Grimace at Hamburglar upang magprotesta dahil sa kanyang disqualification. Ayon sa interview ng aking source kay Ronald McDonald ang pinoprotesta niya raw ay dapat daw payagan siyang kumandidato dahil sa PBA naman daw ay pinapayagan ang mga import na maglaro.

Malaking riot ito ngayong eleksyon. Kaya nga wala akong planong pumasok sa politika. Masyadong magulo, madugo at karimarimarim… saka na, sa Presidential election na lang.