Wheel of Fate

Meron ang nag-iisang frustration sa buhay. Higit at natabunan niya pa ang frustration ko sa pagiging virgin at USB (Unloved Since Birth). Nang dahil sa frustration ko sa bagay na ito, maraming aspeto ng aking buhay ang naapektuhan. Matindi ang epekto nito sa akin at talaga namang nakakabagabag ang mga ito. Kaya’t kumapit na kayo sa inyong mga silya at lamesa dahil matinding bagyo ang mababasa niyo dito at liparin ang bawat parte ng katawan niyo papunta sa Pasig River at kainin ng mga piranha dun.

Hindi ako marunong magbisikleta. Sa buong 23 taon kong buhay sa ibabaw ng crust at pananatili sa biosphere ng planetang earth, hindi ako natutong magbisikleta sa bike na dalawang gulong lamang. Kaya ko naman yun kung meron pa yung dalawang extrang gulong na maliit, magagawa ko pang magbalanse o hindi kaya pedicab, dahil tatlo ang gulong nun. Pero kapag dalawa lang, kapag ipinilit ko malamang ako’y mapapasubasob at masisira lang ang aking irresistably attractive highly stimulating uber handsome face at baka mawalan pa ako ng seductively arousing sex-appeal.

Nang dahil sa di ko pagkatuto magbike, ang laki ng epekto nito sa akin.

Walang balanse. Sa bike mahalaga ang balance, kapag wala nito, maaaring tumumba sa kahit anong side nito at magiging duguan dahil magagalusan. Kaya naman naging clumsy ako at walang balanse sa maraming bagay. Nauuntog, natatapilok, nakakatabig, nakakaapak at kung anu-ano pang bagay na clumsy talaga. Pero sa aking palagay, malakas na sex appeal itong pagiging clumsy ko, nawawala kasi ang respeto ng tao sa akin.

Hindi ako nakakalayo ng bahay. Dahil nga hindi ako marunong magbisikleta ang pinakamalayong napupuntahan ko lang mula sa bahay, ay ang likod-bahay lang namin. Nandun lang ako nakatunganga sa langit at nag-aabang ng babagsak na babae o kaya pera mula sa mga ulap.

Isa akong powerwalker. Mahilig akong maglakad, mabilis pa. Kahit malayo kaya kong lakarin, huwag lang naman mula Aparri hanggang Albay dahil ayaw ko namang magkapaltos-paltos ang paa ko at matunaw ang swelas ng sapatos ko. Pero dahil sa hilig kong maglakad at hindi natutong magbike, natuto naman akong magstrike-a-pose ala male fashion model. Lahat ng kalsada sa akin nagta-transform to catwalk.

Naging single at virgin. Heto ang malufet na epekto ng di ko pagkatuto sa pagba-bike. Naging USB at extremely delicious virgin ako dahil dito.

Pero napagtanto ko sa aking ultimately pathetic life na ang aking iibigin at magiging ang kaabang-abang kong soulmate ay ang babaeng magtuturo sa akin magbisikleta. Nakatadhana na siguro ito sa aking mga makalyong palad kaya hindi sa aking pinaubaya ang matuto magbike. Darating din yun balang araw… sana now na!