Ayokong Mangyari Pa

Isang pangyayari ang hindi ko makakalimutan kahapon. Ito’y tunay na nakakagulat at ikinabahala ko ng husto. Hindi na ako papayag na mangyari ito ulit dahil hindi ako papayag na mawalay siya sa akin.

Isang lagapak ang narinig ko at gumising sa aking isipan kahapon. Kitang-kita ko ang kanyang pagbagsak niya mula sa kanyang mataas na kinalalagyan. Hindi ko na naabutan at nailigtas sa pagkakalaglag niya. Tumama na ang kanyang batok at nawalan na ng ulirat.

Dali-dali akong nagpunta sa kanya dahil na rin sa pag-aalala at pagkataranta. Gusto kong lumuha ngunit alam kong walang magagawa ang luha sa kanya. Ang kailangan niya ay lunas. Kung kaya’t nilapatan ko siya ng pangunang lunas. Ngunit tila ang lunas na iyon ay walang magagawa. “Ano pa ba ang gagawin ko?” Hindi sapat ang lunas, ano pa ba ang dapat kong gawin?

Binuhat ko siya sa aking kamay at nagmadaling tumakbo palabas sa kwartong pinangyarihan. Naghanap ako ng malapit na pagamutan, ngunit ang mga doktor na nila mismo ang tumanggi sa amin. Hindi raw sapat ang kanilang kakayahan at ang kanilang kagamitan sa ganung kalagayan. Natataranta na ako. Nararamdaman ko na ang aking pawis na tumutulo mula sa aking noo. Maya’t maya pa ay nararamdaman ko na rin ang pawis sa aking likod at sa buong katawan. Hindi lang ito pawis, kinakabahan na rin ako.

Dagli akong lumabas sa pagamutan kasama ang biktima ng masaklap na tadhana sa aking mga kamay. Binilisan ko at naalalang may malapit nga rin palang isa pang pagamutan, at mas marami ding manggagamot sa lugar na iyon kaya naman natitiyak akong matutulungan nila ang mahal ko. Ngunit mas lalo akong kinabahan ng mga oras na iyon, hindi na yata siya humihinga. Kailangan ko pang magmadali.

Dumating na ako sa sumunod na pagamutan, kaya nilang lunasan ang mahal ko. Tinanong nila ako sa pangyayari at isinagot ko naman ang katotohanan. “Ano po ba ang problema? Kaya po bang gamutin?” ang tanong ko sa alalay ng manggagamot. Ngunit may isa pa akong iniisip, hindi sapat ang aking panustos upang mapagamot siya. Ano ba ang aking gagawin? Hindi ko muna inisip ang pangangailangan ko sa bayarin. Kailangang malunasan siya, ang natatangi kong mahal.

Sinipat-sipat ng manggagamot ang kanyang kalagayan. Tinanong niya ulit ako kung ano nangyari, sinagot ko ulit siya. Kailangan daw alamin ng mabuti ang kanyang sitwasyon. Kung sakaling hindi sapat ang mga unang lunas, dapat lapatan na siya ng operasyon. Itinarak sa kanya ang ilang kable sa kanyang ulo upang alamin kung ano ang problema at malaman na rin ang solusyon. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, nagising na siya. Buhay na buhay at walang problema. Isa itong malaking himala! Sa kagalakan ko, hinalikan ko ang kanyang noo. Sinambit ko na lang “Hindi na dapat ito mangyari pa!”

Masaya na ako ngayon. Buhay na ang aking Maritoni Gonzawa. Ayos na ang aking cellphone!