Secrets Worth Knowing

May nalaman akong katotohonan nitong nagdaang araw. Ang buong 24 years ko palang pamamalagi sa earth ay isang malaking kasinungalingan. Hindi pala totoo ang lahat ng nalalaman ko.

Ang Ama

Iba pala ang aking tunay na ama. Hindi ko biological dad ang kasama namin sa aming pamamahay. Napag-alaman ko na ang tunay kong dad ay nakatira sa malayong lugar, sa ibang bansa at kinikilala ng marami. Ngunit kahit tanyag, mayaman at dugong bughaw siya ay di ko pa rin siya kikilalaning tunay na ama, sapagkat itinakwil na niya ako 24 taon na ang nakakaraan. Ang aking tunay na ama ay ang nag-iisang Prince Charles of Wales. Oo, ang anak ni Queen Elizabeth at ang ama nila Prince Harry at Prince William. Isa akong dugong bughaw, kaya pala blue ang kulay ng dugo ko kapag nasusugatan.

Ang Ina

At hindi lang iyon, ang aking ina… ang aking ina ay isa palang diyosang nagkatawang tao. Siya si Mhudragga Vaishta, ang goddess of cosmetics. Ngunit sa mundo ng tao, nagpakilala siya bilang si Maybelline Revlon. Nagpunta at nagkatawang tao upang ipalaganap ang pagpapaganda at vanity sa lahat ng nilalang sa mundo.

Ang Kuwento

Nagtrabaho bilang isang dakilang lavandera ang aking ina noon sa Buckingham Palace. Since, kararating lang ng aking ina noon sa mundo, marami pa siyang bagay na di nauunawaan. In other words, inosente at mangmang pa siya sa ilang bagay. Sapagkat goddess nga ang aking ina, taglay niya ang kahali-halinang ganda at alindog. Marami ang naaakit niya sa loob ng Buckingham Palace at isa na nga doon ay si Prince Charles of Wales.

Hindi kinaya ng Prince ang alindog ng aking diyosang ina, kaya naman nag-give in na ito sa kanya. Kaya naman may nangyari sa kanilang isang gabi at naghari na ang worldliness sa kanilang mga utak. Lumipas ang ilang linggo, sa di inaasahang pagkakataon, nagbunga pala ang kanilang kalibugan… este pagmamahalan. Hindi ito matanggap ng Prince, dahil wala namang noble blood ang aking ina — lihim lang din ang kanyang pagkadiyosa sapagkat nagkatawang tao nga siya. Nag-offer ng malaking pera ang prinsipe ngunit dahil sadyang ma-pride ang aking ina, hindi niya ito tinanggap at ninais na lamang niyang lumaya sa bansang Britanya.

Kaya naman napadpad siya dito sa Pinas. Nakilala niya ang aking kinikilalang ama dito at ipinaliwanag ang kanyang sitwasyon maliban lamang siyempre sa pagkadiyosa niya. Tinanggap niya ang aking ina, kasama ako na nasa sinapupunan pa. Sa kanya rin natutunang kumain ng balot at doon ako ipinaglihi ng aking ina. Minahal ng aking diyosang ina ang isang tagalupang si Ginoong Dacuycuy.

The Son

Lumipas ang siyam na buwan at ako nga ay ipinanganak through C-section. Ibinigay na ang pangalang Billycoy sa akin at bininyagan sa simbahan ng tao. Pinainom ako ng gatas na S23 at pinag-aral sa isang katolikong paaralan sa Maynila.

Sa loob ng 24 taon na iyon, di ko nalaman ang sikretong ito. Wala rin kaming natanggap na tulong mula sa aking biological dad, at kung meron man, hindi yun tatanggapin ng aking ina. Hindi ko rin nais siyang makilala at hindi ko rin naman siya kikilalaning ama. Kahit ibigay sa akin ang titulong Prince Billycoy of Wales ay di ko rin tatanggapin. Kahit pa sabihing ako ang mamumuno ng Britanya ay ayoko rin. Why rule Britain if I can rule the world. Isa pala akong demi-god.

Tama na. Ayoko na itong pag-usapan pa. Hindi ko na ito kaya. Naiiyak na ako.