Olympics is Coming


Next year na pala ang Olympics sa Beijing, China. Pero wala akong pakialam dun, kasi may Olympics din daw sa mundo ng mga diyos at diyosa. At ganun din next year na rin. Kinukulit nga ako ng aking ina na sumali daw ako dun. Kaya naman nagkaroon kami ng masinsinang pag-uusap.

“Anak, sumali ka kaya sa Olympics of the gods.” ang suhestiyon ng aking diyosang ina.

Syempre nagulantang na naman ako, “Huh? Merong ganun? Nagjojoke ka ba?” Gusto ko na talagang lumagapak sa katatawa.

“Di ako nagjojoke anak, meron talagang ganun.” sagot niya.

Naloloka na yata ang mommy ko, una diyosa raw siya at demi-god na nga ako, tapos heto may olympics pa para sa amin. “Kung sasali ako, wala naman akong alam na sports na pwedeng salihan.” ang aking tugon ko sa kanya.

“Kaya nga ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo para magstart ka na ng training mo.”

Tumahimik. Nag-iisip ako. Ano ba ang alam kong sports? Ano ba hapunan mamaya? Malapit na pala ang Transformers Movie. “Ma! Wala akong alam na sports!” ang sabi ko sa kanya.

“Meron yan anak, hanapin mo sa sulok ng iyong puso.” sagot niya na kumikislap-kislap pa ang kanyang mga eyes.

“Mi naman, ang deep mo naman! Jologs ha.” reaksyon ko sa sinabi niya. “Siguro kung pagwapuhan lang, kaya kong higitan si Adonis sa kagwapuhan.”

“Anak!? Walang ganun sa olympics! Magbasa ka nga sa Wikipedia!”

Isip pa ulit ng sports na alam ko. Shocks! Ang hot ni Anna Kournikova. “Sige ma, meron bang solitaire sa olympics?”

Nagulat na parang nakakita ng pinagkakautangang bumbay ang aking ina, “Hello? Anak, solitaire?” pagtataka niya. “Are you out of your mind?”

Siya nga yata ang wala sa katinuan, “O sige, cross-stitching na lang, turuan mo ako.” Naiinis na ako sa pamimilit niya.

“Hindi rin ako marunong nun, at wala pa rin yun sa Olympics.” tugon ng aking ina na sinabayan niya ng buntong-hininga. “Sumeryoso ka nga!”

“O siya, siya, seryoso na… sungka na lang lalaruin ko sa olympics, sungka na lang.”

Mukhang nag-alburuto na ang aking inang diyosa “Sungka?! Eh lagi ka ngang talo sa kalaro mong si Badet sa sungka” Galit na nga yata talaga siya. “Huwag ka na lang sumali kung ayaw mo.” Naglakad na papuntang kusina ang aking ina para magluto ng aming hapunan.

Naiwan ako sa aking kinauupuan at nag-iisip pa rin. Ano nga ba alam kong sports? Bakit wala kaming Wowow sa cable? Matatanggal na kaya si Wendy sa PBB? Bakit ang korni ng Rounin? Ang sarap talaga ng Cornetto. Biglang may naisip akong sports at nabulyaw ko, “Ma!”

“O bakit?” tugon niya mukhang masaya na at napuna kong umaliwalas ang kanyang mukha kahit naghihiwa pa ng sibuyas.

“Meron bang Monkey, Monkey, Annabelle sa Olympics?”

Hinampas niya sa akin ang puwet ng kaldero, kaya heto maitim na ang mukha ko.

May nasabi ba akong masama?