Lured by a Beauty

Galing ang pic sa multiply page ni KC tapos dinagdagan ko na lang ng ibang kalandian. Feeling highschool lang.

“Masaya na akong tinutunghayan ang isang bituin sa langit dahil kapag ako’y lumapit mapapaso lang ako.”
– Billycoy

Nitong Linggo ng gabi, napababad na naman ang mga mata ko sa TV. Halos masunog na nga ang mga eyes ko dahil hindi na yata ako pumipikit habang nanonood. Hindi ko na nga rin mapigilan ang laway ko sa patuloy na pagtulo habang nakatunganga sa harap ng telebisyon. Lumulutang na nga rin ako at di ko namamalayang hinahatak na ako papalapit sa TV. Paanong hindi ako mahahalina ng TV that night, docu kaya ng last days sa Paris ng aking supercrush to the ultimate level na si alluring luscious classy hearthrob na si KC Concepcion.

Hindi ko mapigilan ang hindi mapatutok sa TV talaga. Tuwing matatapos ang mga TV ad at babalik na sa programa ako’y mahu-hook muli sa TV, mapapabuntung-hininga, kumislap-kislap ang aking mga mata, mapapangiti na aabot sa bunbunan, magliliparan ang mga paru-paro, langaw, lamok at kuto at tutubo ang mga bulaklak ng calachuchi sa paligid. Ganun pala ang feeling ng in love, nagkakaroon ng maraming special effects.

Sa sobrang ganda kasi ng anak ng Megastar, hindi ko na mapigilang mahibang. Gusto kong maulul sa kinauupuan, umalulong na parang coyote at mangagat ng mga jologs para magkaroon na sila ng rabies. Ano ba kasi ang meron sa ganda niya at kay dami na tuloy ang mga lalaking nagkandarapa at nababaliw sa kanya? Dumadami na tuloy ang aking karibal at mas lalong bumababa tuloy ang aking probability rate na magkatuluyan kami.

Ngayon, nabigyan ko na rin ng linaw kung bakit hindi pa ako nagkaka-girlfriend until now. Si KC lang pala talaga ang napupusuan ko. Nabihag na ng kanyang kagandahan ang aking damdamin. Siguro we are destined to be together kaya wala pang ibang ipinagkakaloob sa akin. Siya lang pala ang babaeng hinihintay ko habang buhay. Bakit hindi ko alam yun?

Sayang nga lang dahil balita ko sila na raw ni Direk Lino Cayetano. Bigo ako. Ok lang yun, willing naman akong maghintay para kay KC. Kung hindi man ngayon, siguro in the future. Pero open din naman ako sa option na kahit maging kabit na lang ako.

Kung dumating man ang panahon na meron na akong ibiging iba, huwag mo na akong hintayin KC.