Gym Rats

Kung wala kayong panahong mag-workout, isuot na lang ang costume na ito. Be buff in an instant.

Mapapansin sa mga panahong ito na biglaang nagsulputan ang napakaraming gyms sa bansa. Nag-umpisa na kasing maging conscious ang karamihan sa kanilang health at mga hugis. Lalo na sa karamihan ng kalalakihan, patok talaga ang mga gym sa kanila. Kaya nga umusbong na yang mga Slimmer’s World, Fitness First at Gold’s Gym.

Sa mahigit isang taon kong pagwo-workout sa neighborhood gym, napuna ko ang iba’t ibang klaseng mga nilalang na pumupunta sa gym. Malamang napupuna na rin ng marami ang iba’t ibang klase ng mga gym rats kahit nasa labas na. Sinu-sino nga ba ang mga kapuna-punang mga gym rats?

NooBs (Newbies)
Lahat ng gym rats nagsisimula dito. Kahit sinong maskulado at mga Mr. Olympia ay dito nagsisimula. Malalaman namang mga newbies sila kapag lagi pa silang nakabuntot sa mga trainers. Kapag busy naman ang kanilang mga trainers sa pag-aasikaso sa mga chikaboobs at mag-isa na lang sila, mapapansing hindi nila alam ang exercise na ginagawa nila. Gumagawa sila ng kanilang mga exercise. Medyo mag-ingat makatabi ang mga ito dahil magugulat na lang na durog na ang mga buto dahil nabagsakan na pala ng dumbell na hawak ng NooB kanina lamang.
How to correct this mistake?
Kapag baguhan, make sure to do your assignments first bago sumabak sa matinding buhatan. At dahil ang mga instructors naman mas busy sa pag-aasikaso sa mga chikaboobs ng gym, wag maging dependent sa kanila. Siguraduhing alam lagi ang ginagawa at laging mag-iingat.

Johnny Bravo

Heto na yata ang pinakamaraming makikita sa gym. Sila yung mga katulad ni Johnny Bravo, yung malalaki ang katawan pero ang papayat naman ng mga legs. Nakalimutan yata nilang may paa din sila. Kung may sariling isip lang siguro mga paa nila baka nasipa na nila ang nagmamay-ari sa kanila. Beach body lang ang habol ng mga ito. Naglalakihang pecs, braso at nag-uumbukang mga pandesal sa tyan na tinatawag ding abs. Yun nga lang, ang sagwa kasi chicken legs naman sila. Isang magandang halimbawa dito ay si Polo Ravales, sexy nga ang katawan, patpat naman ang binti.

How to correct this mistake?
Kapag nagwo-workout, hindi dapat focused lang sa isang part ng katawan o yung tinatawag na spot training. Later on life kasi hindi rin maganda ang pagkakaroon ng unbalanced na katawan. Higit sa lahat… ang sagwa!

M.U. (Machong Unano)
Dahil hindi naman lahat biniyayaan ng tangkad kaya nagkakaroon ng mga MU sa gym. Magaganda at matipuno ang katawan, yun nga lang medyo ipinagkait ng bathalumang Juday ang height sa kanila. Nakakatakot nga minsan ang laki ng kanilang mga muscles dahil siksik na siksik ang mga ito. Kulang na lang yata ay buhok sa paa at magmumukha na silang hobbit.
How to correct this mistake?
Wala naman ng itatama sa pagpapalaki ng katawan nila, kasi ok na nga, Yung height lang talaga. Siguro dapat habang bata pa ang mga potential MU ay lumaklak na sila ng galon-galong cherifer para tumangkad naman sila. Kung mapera naman sila ay pwede silang magpadugtong ng buto sa mga binti nila.

Monsters/Halimaw
Sila yung mukhang mga alalay ng kontrabida sa mga lumang Pinoy action films. Malalaking tao, malalaking katawan at may malalaking tyan din. Mga halimaw nga. At dahil mga halimaw, nakakatakot din sa bigat ang mga binubuhat nila. Nakakatakot talaga silang makasama sa gym.
How to correct this mistake?
Hinay-hinay lang sa paglaklak ng beer at sa pagkonsumo ng pagkain. Uminom ng xenical o bumisita sa mga surgeon para magpa-lyposuction para mahigop ang taba na pwede pang gamiting mayonnaise. Kung hindi uubra ang diet at tawagin lang ako. “They say you have monstah here… They say your gym is cursed… I am Billycoy and I will kill your Monstah!”

Sila ang kapuna-punang mga tao sa gym. Pero huwag mabahala at matakot sa kanila, mabababait at friendly naman sila. Kung meron mang nangangain ng tao sa gym na pinapasukan, malamang na hindi gym yun. Nasa tribu kayo at mga cannibals ang mga kasama niyo. Lagooot!