Red is not only for Valentine’s

Ngayong Valentine’s Day nagsuot ako ng pula. Hindi dahil in love ako, may date or whatever. T*****a naman! Valentine’s lang ba ang dahilan para magpula ako? Hindi ba pwedeng birthday ko (no really, it’s not), wala lang akong ibang masuot, nireregla o kaya dahil sinabi ni Master Hanz Cua na maswerte ang kulay pula para sa akin ngayong araw?! Pwede rin namang sinisimbulo ng pula ang nagdurugo kong puso. AT hindi naman talaga pula ang kulay ng puso. Mga churanila!

Lahat ng kulay na isusuot ngayong Valentine’s day ay bibigyan nila ng meaning kaya watch out.

Black. Kulay daw ng mga sawi. EXCUSE ME. Pwede namang magblack dahil feeling nila mas payat sila lalo na sa mga pictures. Maitim talaga mga budhi nila at nilalabas nila iyon sa mga damit nila. Mas madaling itago ang basang kili-kili sa itim na damit.

White. Single at open for relationship. Etchos lang yun! Yun lang talaga ang uniform nila sa school or work. Willing lang din sila sa mantsa at naniniwala sila sa kakayahan ng Breeze at Tide. Magaling lang talaga silang maglaba. De kolor talaga ang damit nila pero nagamitan nila ng chlorox kaya naging puti.

Gray. Kapag dull at ang lovelife ay katulad ng makulimlim na ulap. Hindi naman lahat. Hindi lang talaga sila makapag-decide kung black o white ang isusuot nila kaya namili na lang sila ng nasa gray area. Corporate color kaya safe isuot sa office. Kulay na nagsasabing, “Huwag ninyo akong pansinin, hindi ako nag-eexist today.”

Pink. Pa-sweet at subtle na sume-celebrate ng Valentine’s. Hindi rin. May pupuntahan lang yan na gender reveal mamaya at ang palagay niya girl ang magiging anak ng nag-invite sa kanya. O kaya terno lang talaga ang suot niya sa kanyang bagong pink or nude lipstick. Color of the year din kasi ang coral pink at match din sa kanyang rose gold na smartphone.

Blue. Nalulumbay sa pag-ibig, sabi nga ni Regine Velasquez (originally by Michael Johnson) ay Bluer than Blue. Ang totoo, invited din yan sa gender reveal at ang hula niya ay boy ang magiging anak. Mina-match niya lang din ang kanyang asul na damit sa kanyang blue na contact lens.

Peach. Gusto niya lang manggulo ng isip ng mga tao. Hindi kasi mawari kung pink ba talaga ang suot niya o pastel orange. Pero ang totoo talaga, peachy lang talaga sila. Ika nga ni Britney Spears, “It’s Britney, peach!”

Teal. Magulo din ito. Alanganing blue at alanganing green. Kung bibigyang kahulugan sa Valentine’s day, malamang sila ang complicated ang relationship status. Pero mag-ingat ka sa kanila, because they can teal your heart away.

Anuman ang kulay ng suot ngayong Valentine’s day, hindi kailangan magkaroon ng meaning yan. Isuot kung anong feel na isuot ngayon, mapa-single man o may relasyon.

Kung single man, mas magdiwang dahil ngayong petsa de peligro may maitatabi kahit papaano bago dumating ang araw ng sweldo kinabukasan. Hindi rin kailangang makisama sa mga pila sa mga resto at maghintay ng vacancy sa mga motel. Idaan na lang ng pait sa init ng pagmamahal ng black coffee habang ngumangatngat ng tustadong ampalaya.

Pero ako, nakapula ako dahil bitter ako. 😏